Home > Uncategorized > Solo passenger

Solo passenger

Dear Ate Mabz,

Kanina pa ako nakatitig sa pahinang ito. Ilang buwan na din kasi akong sinusumpong ng writer’s block. Kinakabahan na nga ako. Iisa na lang kasi ang yosi kong nakatago. Sa totoo lang, sampung sigarilyo ang aking inihanda para sa gabing ito. Gusto ko na kasing sundan ng isa pang sanaysay itong munti kong proyekto. Excited ba. Dito kasi, malaya ako kahit paano.

Kanina pa din ako nakikinig ng mga tugtuging pamasko. Mood-setter ika nga. Nariyan yung kanta ni Ariel Rivera na Sana Ngayong Pasko, kay Gary V. na Pasko na Sinta ko, at yung kay pareng John Lennon na And so This is Christmas. Pero hindi din naman ako gaanong maka-relate. Wala din naman kasi akong GF at ilang Pasko na nga ba ang nakalilipas mula nang may bumati sa akin ng “Merry Christmas” na may kasamang I lab yu? Hindi ko na sasabihin. Okay lang naman sa akin na yakapin na lang ang sarili at sabihing, “Hindi yun hinahanap kasi kusa yung dumarating.” Masaya din naman kasi ang mag-isa. Una, nakakatipid ka. Pangalawa, malaya kang mag-babe watch hanggang sa lumuwa ang iyong mata.

Pero napag-uusapan na din yung kalungkutan, noong una, aaminin ko na nakakapag-senti talaga ako. Hindi pa ako nakakapanood ng sine na mag-isa. Noong nag-aaral pa ako, napilitan akong kumain ng walang kasama tuwing tanghali sa mall nung mag-summer ako sa Maynila. At ganoon pala yun. Sa dinami-dami ng tao na aking nakikita, mas sumisidhi yung pakiramdam na wala kang kasama.

Mabuti pa yung Kano, may Pinay na kasama. Mabuti pa yung mokong na yun, ang ganda ng sinasabayan na dalaga. At minsan nga, may metrosexual akong nakatabi ng table sa McDo. Text ng text. Nang dumating yung partner nya, aba e mas gwapo pa sa aming dalawa. Pa-simple pa sila e magkahawak naman ang kamay nila sa ilalim ng lamesa.

Sabi nila, ang pagiging single daw e isang choice. May nagsasabi naman na pana-panahon lang talaga. Pwede naman kasi akong magka-girlfriend kung gugustuhin ko. Ang tanong lamang e kung gugustuhin din nila.

Kaya nga eto ang pseudonym ko. Bukod sa may hawig naman talaga ako kay Diet, sobrang super tagal ko nang crush si Kristine my labs. Mapait nga lang ang kapalaran ko kaya hindi kami nagkikita pa. Yung Diether tuloy e naging Bitter, at yung kay Kristine Hermosa ay naging Kristine Hermosana. Hay naku… sana. Pati tuloy ako natatawa.

Alam ko naman na hindi ako nag-iisa sa ganitong pakiramdam. Noon ngang isang araw, nakasakay ako sa dyip. Wala akong nakasabay na magandang babae ha. Nagkataon lang na ang pasahero ay ako lang talaga. At mamatay mang magpatama yung drayber sa pagmamaneho, yun bang tinigilan na ata lahat ng kanto, wala talagang ibang sumakay kundi ako. Katatapos lang kasi ng tanghalian. Patay na oras, ika nga. Kakaunti din ang mga namamasada.

Pakiramdam siguro ni manong drayber e nag-iisa sya, na inabandona sya ng mundo. Napapailing na lamang ito sabay kamot sa ulo. Kasabay sa saliw ng tugtog ng Air Supply sa kanyang car stereo, napasabi tuloy si manong na, “Kapag ganito ng ganito, parang ang lungkot ng Pasko.” Sasagutin ko sana sya na “Manong, hindi ka nag-iisa!” Kaso ang daming interpretasyon nun sa iba’t-ibang konteksto. Ang punto ko lang dito, katulad ng dyip na iisa lamang ang laman, malinaw na may kulang. Para bang ng puso na meron pang malaking puwang.

Malapit na nga ang Pasko. Sa ngayon sigurado ako na kung walang himalang mangyayari, romantically e mag-isa na naman ako. Okay lang. Sanayan lang naman yun. Sabi nga ni  Marilyn Monroe e, “It’s better to be unhappy alone than unhappy with someone – so far.” Pero hindi naman ako ganoon kalungkot. May kulang lang.

Tirahin ko na nga tong yosi at mukang nalulungkot na.

As always,
Bitter Ocampo

Advertisements
Categories: Uncategorized Tags: , ,
  1. inday
    December 19, 2009 at 3:03 pm

    kuya bitter, ganyan tlaga ang pasko,minsan msaya lalo na pag my ngsasav ng ilabyu, pro khit minsan ala,at my nakaalala sau,msaya na rin.depende din kc sa tao kung pano nya siniselebreyt ung pasko.nkaranas na rin akong mag-isa sa jip,buti kpa nga d sinabi ng driver na,,kpag minamalas nga nman..sa isip ko sinasv ko,buti nga sumakay ako kundi mas lalo kang mamalasin..;)ok ding manuod mg-isa, una, tipid sa popcorn at drinks,un nga lang kung comedy ang panunuorin mo,tatawa kang mg-isa ;D salamat sa pgsi sheyr kuya bitter, sana sumulat ka uli…

    • December 19, 2009 at 4:10 pm

      inday, samahan mo nga akong manood ng sine na mag-isa. hehehe. tnx sa comment

  2. April 2, 2010 at 4:25 am

    ang tagal na ng Pasko at extra late na koment ko, naalala ko nung nagdaang Pasko.. 9PM tulog na ko.. walang Noche Buena, walang kahit ano.. mag isa sa kwarto!!.., pero tanggap ko na yun.. mas okay nga yung malungkot mag isa kesa malungkot na may kasama..,

    sana pala nakilala kita noon.. baka sakaling di ganito ang lungkot ng post mo..=)

  1. No trackbacks yet.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: