Acoustic Guitar, bow!

April 10, 2010 2 comments

Dear Ate Mabz,

Hindi ko na matandaan kung saan ko nabasa pero ang sabi dun, ang tunay daw na sukatan ng kagandahan ng isang awitin e kapag ang orihinal na areglo nito ay nailagay sa acoustic guitar pero maganda pa rin itong pakinggan. Parang ganito: kumuha ka ng isang kanta na kumpleto sa mga instrumento ang pagkaka-record tapos ang iwan mo lang na instrumento ay ang gitara. Kapag kaaya-aya pa rin itong pakinggan, ang ibig sabihin nito ay hindi yung arrangement ang nagpaganda sa kanya kundi yung awitin mismo. Pinauso na ito ng MYMP at ni Paolo Santos. At sa bawat inuman na may baong gitara, kasama na rin itong pulutan ng mga magkakaibigan.

Wala lang. Marami kasi akong naaalala ngayon lalo na’t sinisimulan ko ang liham ko na may nakasaksak na namang headset sa aking tenga. Boyce Avenue ang pinagti-tripan ko ngayon. Rendition ng iba’t-ibang kanta sa saliw ng acoustic na gitara ang gimik nila. Magandang pakinggan. Paulit-ulit na nga etong Keep Bleeding na orihinal na kinanta ni Leona Lewis pero okay lang. Mood setter ika nga. Sa saliw naman talaga ng musika, may mga nabubuhay na nasa loob natin na akala natin ay wala na.

Pero ayaw ko munang maging madrama. Minsang nagko-computer kasi ako, binuksan ko etong Atbp na blagabag ko. Check lang. Kaso nung mag-CR ako, nakita ito ng pinsan kong nakiupo bigla sa harap ng PC ko. Babasahin lang daw nya. So sige. Hindi naman nya itinanong kung sino ang nagsulat. Ready naman kasi akong sabihin na barkada ko lang ang may gawa.

Napaka-bitter naman daw ng tema, sabay tumayo sya. Okay. Wala naman dung problema. Pinatay ko na ang PC sabay nakakita ako ng gitara.

Tanda ko pa noong high-school pa lamang ako. Uwido ang naging pag-aaral ko nang pag-gigitara. Hawak ang lumang gitara na medyo tunog lata, tiniyaga kong pag-aralan ang mga tipa sa pamamagitan ng mga magasin. May chord chart kasi yun sa centerfold. Nung tumagal, Songhits na ang kaharap ko – yung makapal na libro na may 1,001 atang mga awitin. Ilang libong oras din yata ang nagugol ko sa paggi-gitara at hindi biro ang kalyong tumubo sa aking mga daliri. Masakit sa una pero enjoy ka. Kahit sa tambayan sa tabing kalsada e kasa-kasama namin ito at minsan na din akong nangarap na maging parte ng isang sikat na banda.

Huwag na nating pag-usapan kung nakapag-compose ako ng sariling awitin. Merong ilan pero hindi talaga ako ipinanganak na mang-aawit. Minsan nga, natugtog ako habang nakanta, sabi sa akin ng mga alaskador kong barkada e mas mabuti pa daw na pagtugtog na lamang ang intindihin ko. Noong sila naman ang kumakanta, sabi ko namang mas mabuting mag-aral na lamang silang mag-silindro o mag-harmonica.

Sinabi ni Irving Berlin, “The song is ended, but the melody lingers on.” Madaming interpretasyon sa sinabi nyang ito pero para sa akin, ganito ang epekto ng mga awiting hinipuan na tayo, I mean, na-touch tayo. Hindi lang LSS o last song syndrome ang sinasabi ko ha. Nariyan yung mga alaala na nakatanim na sa isipan, mga sugat na nag-iwan ng peklat, o mga sandaling pilit ibinabaon sa isang sikretong lugar ng ating nararamdaman. Ang tunay na melody ay yung ‘ispirito’ ng kanta. Kaya gawin mo man itong acoustic o i-hum mo na lang habang naliligo ka, para sa yo, nananatili pa rin ang kanyang ganda.

Pero hindi ako nagda-drama ha. Melancholic lang hehehehe. Ang acoustic na kanta kasi e parang ex-GF mo na walang make-up sa umaga; o kaya e yung pagkatapos nyong mag-meryenda e wala pang tutbras pero halikan na. Uminom naman muna kayo ng tubig hehehehe. Para din siyang pagpunas sa pawis pagkatapos mag-swimming (joke!), o kaya e yung pagtawang hindi pigil kaya sa halip na “hi! hi! hi! hi!” e “ha! ha! ha!”na parang lalabas na ang bituka. Walang arte, ika nga. Tunog lamang ng kwardas ang maririnig at ang boses ng mang-aawit. . .

So iyon. Tapusin ko na muna itong liham kong ito ha. Tutugtugan sana kita kaso basag na ang aking gitara. Next time. Mahal nga lang ang aking talent fee, hehehehe.

Salamat muli,

Bitter Ocampo

Categories: Uncategorized